Friday, August 21, 2009

disneyland bilang esensya




ang hong kong disneyland ay matatagpuan sa isla ng lantau. mga 20 minuto mula sa airport at 40 mula sa kowloon. sa kalaparan nito ay matatagpuan ang disneyland resort, hong kong disneyland hotel at hollywood hotel. ang pinaka-main attraction syempre ay ang resort na binubuo ng iba’t ibang istruktura na naka-layout para kumpletuhin ang kabuuang esensya ng karanasan ng isang turista.

sa diskurso ng kasaysayan, ang hong kong disneyland ay artikulasyon ng pre-modern, modern at postmodern na karanasan. and adventureland ay nagpapadanas ng pagbabalik sa di pa sibilisadong kondisyon na nirerepresenta ng simuklarisasyon ng naratibo ni tarzan. (ang mga turista ay pinasasakay sa balsa at bangka habang nasa palibot ang mekanisadong larawan ng mga hayop at tunog patungo sa sentral na imahen at representasyon ng pagiging savage na binuo ng textong tarzan.) sa kabilang panig naman ay ang tomorrowland na pinagbibidahan ni stitch at buzz lightyear kung saan ang space mountain (rides), ufo zone at autopia ay mga fantasya ng hinaharap na kayang danasin ng isang pinoy na turista (tulad ko) sa halagang abot-kaya(?). (naisip ko noong binisita namin ang space museum at ocean park, parang hinahanda na ng bansang tsina ang susunod na henerasyon sa fourth wave, na ayon kay alvin toffler ay space society na.) sa hilagang bahagi naman ang fantasyland kung saan papasok/dadaan ka sa isang castle at sa iyong pagtatagos ay tatambad sa iyong paningin ang konstraktisadong sibilisasyon ng europa na mababasa sa mga istruktura tulad ng tent (ng carousel at tindahan), flag (sa tindahan, castle), gazebo (kung saan pwedeng papiktyur sa mga disney characters tulad nina mickey, minnie, poh at goofie) at siyempre ang ilang desinyadong kastilyo na pinagdadausan ng palabas tulad ng golden mickey show (na para na ring house of mouse ng disney channel). sentral na atraksyon tuwing 7:30 ng gabi ay ang fireworks display na tumatagal ng 20 minuto kasabay ng piling musika at clips sa mga disney na pelikula.

at ang unang dadaanan ay ang mainstreet, usa kung saan nakamarka ang kasaysayan ng amerika; mababasa ito sa mga gusali na american west o cowboy ang motif. ang ilusyon ng kaayusan ay representado ng city hall (na nagsisilbing information center lang naman) at fire department (na nirerentahan ng mga stroller at iba pang gadget). sa malinis nitong kalye ay ang mga tindahan na mukhang gawa sa kahoy (bilang unang materyal na ginamit sa pagtayo ng sibilisasyong amerikano), pero imbis na mga construction materials ang mabibili ay mga souvenir items na markadong disneyland. meron ding mga bakery, jewelry store, coffee shop at isang kodak shop kung saan nakadisplay ang mga antigong koleksyon ng kamera. (kapansin-pansin ang isang estatwa ng indian chief sa kahabaan ng kalye na nakatingin sa isang gusali na may nakasulat na ‘carriage’ sa western na lettering.) sa mainstreet din ginagawa ang parada ng mga disney characters kung saan sinasayawan at pinapapuswitan ng tubig ang mga turista.

ang apat na bahaging ito ng disneyland ay ‘ikinulong’ sa animo’y pabilog na galaw ng dalawang tren na kumukuha ng pasahero tuwing limang minuto sa isa sa dalawang stop over na matatagpuan sa magkabilang panig ng resort. itong akto ng pag-ikot ang nagmarka ng pagiging buo at sentralidad ng layon ng texto ng disneyland. ito rin ang nagmarka ng postkolonyal na realidad na nirerepresenta ng istruktura. sa loob ng ‘bilog’ na ito ay naiakda ng amerika ang kanyang kaalaman/kapangyarihan tungkol sa mundo. ng kanyang mapanakop na titig sa sa di-sibilisado at mapang-engganyong imbitasyon sa ekonomiya ng hinaharap. sa pagitan nito ay ang paalala ng kasaysayan ng amerika at europa bilang lehitimong konggregasyon ng mga nasyon na magtatakda ng patutunguhan ng sanlibutan. (mayroon ding disneyland sa amerika at germany)

sa kabilang banda, mababanaag pa rin ang alingawngaw at pagpupumiglas ng asyano sa ganitong pananakop. sa pagpasok sa mga shows at rides, ang mga intsik ay ‘pumipila’ ngunit hindi sa iisa o dadalawahing hanay na nakasanayang gawin ng mga amerikano o erupeo. ang magkakaibiga’t magkapamilya ay gumagalaw bilang isang grupo na kung titingnan mo bilang tagalabas ay parang gitgitan o tulakan, ngunit sa katunayan ay wala namang ganoong nangyayari. ang ‘pagpila’ ng mga intsik ay isang kultural na pagkakaiba na pilit pa ring iginigiit sa konsepto ng kaayusan ng disneyland na imbensyon ng amerika.

sa dikurso ng wika, kahit na ginagamit ang english na pangalan ng staff, crew at waitress sa resort, pinapanatili pa rin nila ang tunog intsik ng salita. sa katunayan nahihirapan silang maintindihan ang tunog amerikano o british na english. negosyado rin ang mga pangalang nakakabit sa mga karatula at establistamento: unang nakasulat sa english tapos nasa ilalim ang salin sa intsik. sa mga panuto at programa, nauuna namang sinasabi ang intsik at sumusunod lamang ang english bilang salin ng nauna. kung english ang palabas, may salin sa intsik sa screen. kung intsik ang palabas, may salin rin sa english. maaring sabihing may asersyon at pagpapahina ng wika dito; maaaring sa intsik, maaaring sa english. ano’t anupaman ay nalilikha ang isang hybrid na produksyon ng wika, isang di-pamilyar ngunit functional na wika. wikang kailangan para kailangang maipagpatuloy ang pagkonstrak ng isang postkolonyal na kondisyon.

kayat sa tanong na “nasaan ang asya sa hong kong disneyland?” ang sagot ay nasa laylayan (margin) dahil dominado ng representasyon at esensya ng amerika at europa ang kabuuang elemento ng istruktura at pagpapahalaga ng resort na ito na isa ring b(in)uong mundo para maipagpatuloy ang mito ng superyoridad ng kaalaman/kapangyarihan ng mga mananakop na amerikano at europeo.

Thursday, August 20, 2009

ang laya sa cinema-laya

halos pinanood ko ang karamihan sa pelikulang ipinalabas sa cinemalaya noong hulyo (28-31) at agosto (3-4) sa up film center. noon pa mang nakaraang 2 linggo ay nag-iisip na ako kung paano isusulat ang aking mga napanood. may mga tala akong sinulat sa aking notebook (kung saan naka-stapler ang tiket at mga iskedyul) na maaari kung pagbasehan ngunit magiging mahaba ang aking ipo-post. ayokong sumulat ng mahaba kasi sa palagay ko ito ay kontra sa konsepto ng blogging at ng pagiging ‘gerilya’ ng blogging sa diskurso ng kaalaman/kapangyarihan. tulad ni rizal, nang binasa niya ang sulat ni morga sa london, ang magagawa ko lang marahil ay ang gumawa ng ‘anotasyon’ (at suhestyon) ng mga pelikulang aking napanood at tangkaing markahan ang mga pelikula sa konteksto ng postkolonyal na kondisyon ng bansa.

kaya itutuon ko na lang ang aking pagmumuni-muni sa konsepto ng ‘laya’ sa salitang cinema-laya. para sa akin mahalaga ang kalayaan ng artista sa paglikha. ang kalayaang ito ay maaaring hindi lang sa kung ano ang kanyang puweding gawin, ngunit pati na rin sa kung paano niya ito gagawin. dito na papasok ang nanalong pelikula sa cannes film festival ni brillante mendoza na “kinatay.” gaano kalaya ang pelikulang ito sa mapanakop na kaalaman ng kanluraning estetika at ideolohiya? kaninong pelikula ito? para kanino ang apresasyon nito? mas higit kaya itong nagpalaya sa mga pilipino sa parehong kultural at politikal na larang?

inaamin ko nahihirapan akong hanapan ng framework ng analisis ang pelikula. madali lang analisahin ang estetiko at humanismong pananaw. sabi ko nga sa kasama kong nanood, para lang tayong pinasakay sa isang ‘joyride to hell’ kung saan idinugtong niya na ‘nasilip niya lang ang langit’ nang pinatay na si gina/madonna (ang putang nagtitinda ng katawan niya at drugs ng mga pulis). ito ay kung sasakyan mo ang karanasan ni peping (estudyante ng criminology) sa kahabaan ng organikong shots mulang maynila papuntang bulacan (at pati pabalik), sa antipasyon at rekoleksiyon ng pagpatay sa puta. (magaling ang sound effects at musika.) ngunit kung titignang maigi, ang ‘kinatay’ ay hindi naman talaga maka-pilipinong pelikula. kulang ito ng refleksiyon at malalim na pagkakaugat sa memorya ng lahi. ito ay pelikula lamang ng kasalukuyan, para sa kasalukuyan. kahit gising ang pormang ginamit (sa usapin ng high modernity na pweding mapagkamalang postmodern), tulog pa rin ang nilalaman. (pansinin lang halimbawa ang esteryotipikal na representasyon ng babae, o ang kawalang lakas ng pangunahing tauhan na tumiwalag sa dominante at hegemonikong kalakaran ng lipunan.) mas maligaya ako sa “panggagahasa kay fe” kung saan mayroong pagsubok na lumikha ng bagong sentro batay sa kultura at paniniwala na nilupig ng mga mananakop na kastila at amerikano. sa pelikula, talagang kailangan nang magsalita ang ‘kapre’ at sabihin sa macho at masokistang lalaki na ang pagkabigo niyang makamit ang kaligayahang maibibigay ni fe (babae/kababaihan) ay dahil “nanatili siyang anak ng kanyang ama”---ang texto ng patriarkal na sistema. kayat kailangang ilabas si fe sa ‘normal’ na lipunan at mamuhay kasama ang ‘kapre.’

isasama ko na rin sa mga nagustuhan ko ang ilang short films na mulat tulad ng “behind closed doors” (lesbianang ideolohiya), “blogog” (imaginary vs symbolic), “musa” (teoryang queer) at “hulagpos” (feministang pananaw). ang mga pelikula tulad ng “colorum,” “tatang,” at “bonsai” ay napakapormalista at nagtatanghal ng kadakilaan ng pelikulang may organikong kabuuan. iba ang mga ito sa fragmentasyon na ipinakita ng “astig” at ‘pastiche’ o ‘parody’ ng “last supper #3” at “wat floor ma’am.” masasabing tulog pa ang mga pelikulang “ugat sa lupa,” at “24k” sa parehong porma at nilalaman.

sa bandang huli, nagsumikap mang makapagmarka ng laya ang pelikulang pilipino ng mga indie directors, huli pa rin sila ng silo ng pormula at sistema ng kanluraning kalakaran. ang kamulatan ay naririto lang, nasa mga laylayan ng ating lipunan. kailangan lang pakinggan at tanggapin ang memorya ng ating bayan. kung kay foucault pa nga, kailangan nating lumikha ng kontra-naratibo.

Hangga’t hindi kikilalanin ng ating mga direktor ang kolonyal na karanasan, ang laya sa salitang cinemalaya ay mananatiling salita lamang.