Thursday, August 20, 2009

ang laya sa cinema-laya

halos pinanood ko ang karamihan sa pelikulang ipinalabas sa cinemalaya noong hulyo (28-31) at agosto (3-4) sa up film center. noon pa mang nakaraang 2 linggo ay nag-iisip na ako kung paano isusulat ang aking mga napanood. may mga tala akong sinulat sa aking notebook (kung saan naka-stapler ang tiket at mga iskedyul) na maaari kung pagbasehan ngunit magiging mahaba ang aking ipo-post. ayokong sumulat ng mahaba kasi sa palagay ko ito ay kontra sa konsepto ng blogging at ng pagiging ‘gerilya’ ng blogging sa diskurso ng kaalaman/kapangyarihan. tulad ni rizal, nang binasa niya ang sulat ni morga sa london, ang magagawa ko lang marahil ay ang gumawa ng ‘anotasyon’ (at suhestyon) ng mga pelikulang aking napanood at tangkaing markahan ang mga pelikula sa konteksto ng postkolonyal na kondisyon ng bansa.

kaya itutuon ko na lang ang aking pagmumuni-muni sa konsepto ng ‘laya’ sa salitang cinema-laya. para sa akin mahalaga ang kalayaan ng artista sa paglikha. ang kalayaang ito ay maaaring hindi lang sa kung ano ang kanyang puweding gawin, ngunit pati na rin sa kung paano niya ito gagawin. dito na papasok ang nanalong pelikula sa cannes film festival ni brillante mendoza na “kinatay.” gaano kalaya ang pelikulang ito sa mapanakop na kaalaman ng kanluraning estetika at ideolohiya? kaninong pelikula ito? para kanino ang apresasyon nito? mas higit kaya itong nagpalaya sa mga pilipino sa parehong kultural at politikal na larang?

inaamin ko nahihirapan akong hanapan ng framework ng analisis ang pelikula. madali lang analisahin ang estetiko at humanismong pananaw. sabi ko nga sa kasama kong nanood, para lang tayong pinasakay sa isang ‘joyride to hell’ kung saan idinugtong niya na ‘nasilip niya lang ang langit’ nang pinatay na si gina/madonna (ang putang nagtitinda ng katawan niya at drugs ng mga pulis). ito ay kung sasakyan mo ang karanasan ni peping (estudyante ng criminology) sa kahabaan ng organikong shots mulang maynila papuntang bulacan (at pati pabalik), sa antipasyon at rekoleksiyon ng pagpatay sa puta. (magaling ang sound effects at musika.) ngunit kung titignang maigi, ang ‘kinatay’ ay hindi naman talaga maka-pilipinong pelikula. kulang ito ng refleksiyon at malalim na pagkakaugat sa memorya ng lahi. ito ay pelikula lamang ng kasalukuyan, para sa kasalukuyan. kahit gising ang pormang ginamit (sa usapin ng high modernity na pweding mapagkamalang postmodern), tulog pa rin ang nilalaman. (pansinin lang halimbawa ang esteryotipikal na representasyon ng babae, o ang kawalang lakas ng pangunahing tauhan na tumiwalag sa dominante at hegemonikong kalakaran ng lipunan.) mas maligaya ako sa “panggagahasa kay fe” kung saan mayroong pagsubok na lumikha ng bagong sentro batay sa kultura at paniniwala na nilupig ng mga mananakop na kastila at amerikano. sa pelikula, talagang kailangan nang magsalita ang ‘kapre’ at sabihin sa macho at masokistang lalaki na ang pagkabigo niyang makamit ang kaligayahang maibibigay ni fe (babae/kababaihan) ay dahil “nanatili siyang anak ng kanyang ama”---ang texto ng patriarkal na sistema. kayat kailangang ilabas si fe sa ‘normal’ na lipunan at mamuhay kasama ang ‘kapre.’

isasama ko na rin sa mga nagustuhan ko ang ilang short films na mulat tulad ng “behind closed doors” (lesbianang ideolohiya), “blogog” (imaginary vs symbolic), “musa” (teoryang queer) at “hulagpos” (feministang pananaw). ang mga pelikula tulad ng “colorum,” “tatang,” at “bonsai” ay napakapormalista at nagtatanghal ng kadakilaan ng pelikulang may organikong kabuuan. iba ang mga ito sa fragmentasyon na ipinakita ng “astig” at ‘pastiche’ o ‘parody’ ng “last supper #3” at “wat floor ma’am.” masasabing tulog pa ang mga pelikulang “ugat sa lupa,” at “24k” sa parehong porma at nilalaman.

sa bandang huli, nagsumikap mang makapagmarka ng laya ang pelikulang pilipino ng mga indie directors, huli pa rin sila ng silo ng pormula at sistema ng kanluraning kalakaran. ang kamulatan ay naririto lang, nasa mga laylayan ng ating lipunan. kailangan lang pakinggan at tanggapin ang memorya ng ating bayan. kung kay foucault pa nga, kailangan nating lumikha ng kontra-naratibo.

Hangga’t hindi kikilalanin ng ating mga direktor ang kolonyal na karanasan, ang laya sa salitang cinemalaya ay mananatiling salita lamang.

No comments:

Post a Comment