Friday, March 14, 2014

Ang Pinusong nga (H)istorya bilang Kasaysayan o kung paano nagkaroon ng kinalaman si Payo kay Hen. Francisco del Castillo




Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga kuwentong bayan tungkol kay Payo na kinalap ni Beato de la Cruz at mababasa sa kanyang libro na Contributions of the Aklan Mind to Philippine Literature (1958).  Ginawan ko ng salin sa Filipino at ibinabahagi ko ang sinulat na kongklusyon sa papel na “Sa mga Pinusong ni Payo:  Ugnayan ng Panitikan, Kasaysayan at Kapaligiran” na binasa sa 21st Regional Conference on West Visayan History and Culture noong 2010.

Si Payo at ang bangka

Isang araw, inutusan ng gobernadorsilyo ng Ibajay (sa Aklan) si Payo na maghanap ng bangka para masakyan patawid sa ilog ng kanyang darating na mga bisita. 
Pumunta si Payo sa ilog at doon ay nakakita siya ng isang malaking bangka.  Hinila niya ito sa pampang at pinabaliktad para matuyo, at humiga siya sa ilalim nito hanggang siya’y makatulog. 
Nang dumating ang mga bisita, tinawag nila ang natutulog na si Payo ngunit hindi niya pinansin ang mga ito.  Nagpaputok ng kanilang mga baril ang mga bisita para pansinin ni Payo ngunit nagtulog-tulogan pa rin si Payo. 
Nabulabog na ang bayan dahil sa narinig na putukan sa kabilang pampang.  Kayat ang gobernadorsilyo ay pumuntang ilog para tingnan kung anong nangyayari.  Nakita niya ang kanyang hinihintay na bisita na nasa kabilang pampang at ang bangkang nakabaligtad at sa ilalim nito ay ang natutulog na si Payo.  Payugyog na ginising niya si Payo at pinagsabihan tungkol sa kanyang ginawa ngunit sinagot lamang siya ng alalay ng, “Indi baea sinabi mo lang sa akin na maghanap ng bangka at bantayan ito para sa iyong mga bisita?  Owa mo man sinabing isakay ko sila patawid sa kabilang pampang, a?” 
Napakamot na lang ang gobernadorsilyo ng mahinuhang kulang pala ang kanyang ibinigay na instruksyon.

Tae sa Tinapay

“Tonto” man si Payo, hindi siya basta-bastang mapapalayas ng kanyang amo.  Mayroon pa naman siyang pakinabang sa gobernadorsilyo.
Isang araw ay isinama siya ng kanyang amo sa pangangaso.  Hindi pa sila masyadong nakalalayo nang pinahinto ng gobernadorsilyo ang kabayo at tinanong si Payo kung nakita niya ang kanyang pipa na nahulog.  Sinabi ni Payo na nakita niya ngunit hindi niya pinulot dahil akala niya ay itinapon ito ng kanyang amo.  Kaya sinabihan ng gobernadorsilyo si Payo na, “Bueno, sa susunod na may makita kang mahulog mula sa aking kabayo pulutin mo ito at baka kailangan pa natin. Intiendes?”
“Si, SeƱor,” sagot ni Payo.
Makalipas ang ilang sandali, ang kabayo ng gobernadorsilyo ay nagkalat ng tae sa kanilang dinadaanan.  Maliksing bumaba ng kanyang kabayo si Payo at pinulot ang mga tae at inilagay sa isang bag.
Nang sumapit ang tanghali ay namahinga sila sa ilalim ng isang puno.  Ginutom ang gobernadorsilyo kayat inutusan niya si Payo na ilabas ang baong tinapay at sila’y kakain na. Matapos ibigay ni Payo ang bag ay kinuha ng gobernadorsilyo ang tinapay ngunit laking gulat nito nang makita ang tae sa tinapay.  Napasinghal siya.  Tinanong niya si Payo kung bakit may tae sa tinapay. 
Sinagot siya ni  Payo na, “Indi baae sinabi mo sa akin na pulutin ang lahat na mahuhulog mula sa iyong kabayo dahil mapapakinabangan mo naman ang mga ito?”
Uli, nanahimik na lang ang gobernadorsilyo.

Ang baril

                Nahampas na sana ng baril ng galit na gobernadorsilyo si Payo kung hindi dahil sa pagkakakita niya ng isang puting ibon na nakadapo sa sanga ng isang malapit na puno.  Inasinta niya ito at sinabihan si Payo na gamitin ang pangsindi sa pagbaba-pag-akyat ng kanyang bigote.
                Kayat kinuha ni Payo ang panindi at binantayan ang bigote ng amo at nang bumaba-umakyat ito ay sinindihan niya ang dulo ng bigote.  Nag-apoy ang bigote ng amo at halos naubos ang kalahating bahagi nito.  Nabuka na sana ang bungo ni Payo kung hindi siya nakatakbo.
                Ang gusto palang mangyari ng gobernadorsilyo ay sindihan ang pulbo ng baril at hindi ang kanyang bigote.

Ang Bakud

                Umuwi si Payo sa kanila at sinabihan ang ama na hindi na maninilbihan sa kahit sa sinumang amo.  Kayat nagtaumbahay na lang siya.
                Dahil nga walang magawa sinabi niya sa ama na puputulin niya ang malaking puno sa kanilang bakuran.  Kahit hindi pa nga nakapag-oo ang ama ay sinimulan na niyang putulin ang puno.
                Nang matumba ang puno, bumagsak ito sa kanilang bakod at naabot ang bahay ng isang matandang Kastila.  Nagsisigaw ito ng “carambas” at “sinverguenzas.”
                Nang makita siya ni Payo, sininghalan niya ito, “Ham-an abi itinayo mo ang iyong bahay sa lugar kung saan babagsak ang puno at pagkatapos ako ang basueon mo?”
                Ang nabiglang Kastila ay napailing na lamang at dali-daling tumungo sa kanyang  bahay na binagsakan ng puno.

Ang Pinusong nga (H)istorya bilang Kasaysayan o kung paano nagkaroon ng kinalaman si Payo kay Hen. Francisco del Castillo

Nakatago sa likod ng mga pinusong na kuwento ni Payo ang napiping kaalamang pangkapaligiran at pangkasaysayan hindi lamang ng Akeanon at Ibajaynon ngunit ng mga Pilipino rin.  Sa pagkukuwento ni Payo ng mga ito ay nauungkat at napapalitaw ang mga sinaunang tradisyon at paniniwala ng mga katutubo.  Pagkakamali lamang ng mga nakikinig nito kung ituturing itong pampatawa lamang.  Sa malalimang basa ay naglalaman ang mga ito ng subersibong elemento na nagbibigay-buhay at rason sa mga katutubo na tolerahin ang kalagayang api.  Sabi nga ni Sam Gill (1982), “there is a pitfall in embracing only the entertainment value of the trickster tales, for we are conditioned to think that what is fun and entertaining cannot also be serious and profound” (71).   Ang sandaliang pagtawa marahil ay katumbas ng paglaya mula sa daantaong pagka-alipin sa mga Kastila (at pati na rin sa mga mapang-aping lahi at uri na pumalit sa kanila).
Ang paggamit ni Payo ng mga di-kanais-nais na elemento sa kuwento (ilog, tulog, puno,  atbp.) ay isang teknik para maiakda ang pagbalikdad ng kinasanayang “normal” na bagay-bagay at gawain sa lipunang kolonyal.  Nagtanghal ito ng karnabal at naging katawa-tawa ngunit sa kabilang banda ay subersibo rin.  Gumamit ito ng konsepto ng paglalabis (excess) at pagbababa (debasement) para mapalitaw ang gawaing hindi makatao, tama at kaaya-aya sa mata ng kolonisador (at nakolonisang katutubo).  Paradoksikal ito dahil naging layunin ng ganitong gawain na maitanghal ang kabaliktaran ng lahat na makikita sa rabaw (surface) ng naratibo.  Mapagpalaya ang mga kuwentong pinusong ni Payo.
Mula sa pagiging alalay at indio, si Payo ay naging taumbayan (sa pagteteorya ni Hornedo) at umako ng maraming katauhan: katutubo, Akeanon, Calibonhon/Ibajaynon, si Hen. Francisco del Castillo, Papa Isio, at babaylan.  Ang mga inakung katauhan ay ang kabuuan at kalahatan ng nirerepresentang lahi na kumakalaban sa pang-aapi at dominasyon ng Kastilang gobernadorsilyo---ng dominanteng lahi at uri sa kasaysayan ng Pilipinas na lumupig sa katutubong kaalamang political, cultural at pangkapaligiran. 
Natapos man ang paghahari ng kolonisador na Kastila, ang pagkukuwento ng pusong ay nagpatuloy pa rin.  Ebidensya ang pagkakarinig ni Beato de la Cruz ng mga ito noong 1950s mula sa isang matandang babae.  Sa ngayon, nagkaroon na marahil ito ng ibang porma at nilalaman. Hindi na lang palaging Kastila ang kinakatalo ng pusong ngunit naisama na rin ang mga Amerikano, Hapon, Koreano at iba pang lahi sa mundo.  Higit sa lahat, nawala na rin marahil ang pangalang Payo; napalitan na ito ng mas mapanghakop na salitang “Pilipino.”

No comments:

Post a Comment