Ang
mga sumusunod ay ilan lamang sa mga kuwentong bayan tungkol kay Payo na kinalap
ni Beato de la Cruz at mababasa sa kanyang libro na Contributions of the Aklan Mind to Philippine Literature
(1958). Ginawan ko ng salin sa Filipino
at ibinabahagi ko ang sinulat na kongklusyon sa papel na “Sa mga Pinusong ni
Payo: Ugnayan ng Panitikan, Kasaysayan
at Kapaligiran” na binasa sa 21st Regional Conference on West
Visayan History and Culture noong 2010.
Si Payo at ang
bangka
Isang araw, inutusan ng gobernadorsilyo ng Ibajay
(sa Aklan) si Payo na maghanap ng bangka para masakyan patawid sa ilog ng
kanyang darating na mga bisita.
Pumunta si Payo sa ilog at doon ay nakakita siya
ng isang malaking bangka. Hinila niya
ito sa pampang at pinabaliktad para matuyo, at humiga siya sa ilalim nito
hanggang siya’y makatulog.
Nang dumating ang mga bisita, tinawag nila ang
natutulog na si Payo ngunit hindi niya pinansin ang mga ito. Nagpaputok ng kanilang mga baril ang mga
bisita para pansinin ni Payo ngunit nagtulog-tulogan pa rin si Payo.
Nabulabog na ang bayan dahil sa narinig na putukan
sa kabilang pampang. Kayat ang
gobernadorsilyo ay pumuntang ilog para tingnan kung anong nangyayari. Nakita niya ang kanyang hinihintay na bisita
na nasa kabilang pampang at ang bangkang nakabaligtad at sa ilalim nito ay ang
natutulog na si Payo. Payugyog na
ginising niya si Payo at pinagsabihan tungkol sa kanyang ginawa ngunit sinagot
lamang siya ng alalay ng, “Indi baea sinabi mo lang sa akin na maghanap ng
bangka at bantayan ito para sa iyong mga bisita? Owa mo man sinabing isakay ko sila patawid sa
kabilang pampang, a?”
Napakamot na lang ang gobernadorsilyo ng
mahinuhang kulang pala ang kanyang ibinigay na instruksyon.
Tae sa Tinapay
“Tonto” man si Payo, hindi siya basta-bastang
mapapalayas ng kanyang amo. Mayroon pa
naman siyang pakinabang sa gobernadorsilyo.
Isang araw ay isinama siya ng kanyang amo sa
pangangaso. Hindi pa sila masyadong
nakalalayo nang pinahinto ng gobernadorsilyo ang kabayo at tinanong si Payo
kung nakita niya ang kanyang pipa na nahulog.
Sinabi ni Payo na nakita niya ngunit hindi niya pinulot dahil akala niya
ay itinapon ito ng kanyang amo. Kaya
sinabihan ng gobernadorsilyo si Payo na, “Bueno, sa susunod na may makita kang
mahulog mula sa aking kabayo pulutin mo ito at baka kailangan pa natin.
Intiendes?”
“Si, SeƱor,” sagot ni Payo.
Makalipas ang ilang sandali, ang kabayo ng
gobernadorsilyo ay nagkalat ng tae sa kanilang dinadaanan. Maliksing bumaba ng kanyang kabayo si Payo at
pinulot ang mga tae at inilagay sa isang bag.
Nang sumapit ang tanghali ay namahinga sila sa
ilalim ng isang puno. Ginutom ang
gobernadorsilyo kayat inutusan niya si Payo na ilabas ang baong tinapay at
sila’y kakain na. Matapos ibigay ni Payo ang bag ay kinuha ng gobernadorsilyo
ang tinapay ngunit laking gulat nito nang makita ang tae sa tinapay. Napasinghal siya. Tinanong niya si Payo kung bakit may tae sa
tinapay.
Sinagot siya ni
Payo na, “Indi baae sinabi mo sa akin na pulutin ang lahat na mahuhulog
mula sa iyong kabayo dahil mapapakinabangan mo naman ang mga ito?”
Uli, nanahimik na lang ang gobernadorsilyo.
Ang baril
Nahampas na sana ng baril ng
galit na gobernadorsilyo si Payo kung hindi dahil sa pagkakakita niya ng isang
puting ibon na nakadapo sa sanga ng isang malapit na puno. Inasinta niya ito at sinabihan si Payo na
gamitin ang pangsindi sa pagbaba-pag-akyat ng kanyang bigote.
Kayat kinuha ni Payo ang panindi
at binantayan ang bigote ng amo at nang bumaba-umakyat ito ay sinindihan niya
ang dulo ng bigote. Nag-apoy ang bigote
ng amo at halos naubos ang kalahating bahagi nito. Nabuka na sana ang bungo ni Payo kung hindi
siya nakatakbo.
Ang gusto palang mangyari ng
gobernadorsilyo ay sindihan ang pulbo ng baril at hindi ang kanyang bigote.
Ang Bakud
Umuwi si Payo sa kanila at
sinabihan ang ama na hindi na maninilbihan sa kahit sa sinumang amo. Kayat nagtaumbahay na lang siya.
Dahil nga walang magawa sinabi
niya sa ama na puputulin niya ang malaking puno sa kanilang bakuran. Kahit hindi pa nga nakapag-oo ang ama ay
sinimulan na niyang putulin ang puno.
Nang matumba ang puno, bumagsak
ito sa kanilang bakod at naabot ang bahay ng isang matandang Kastila. Nagsisigaw ito ng “carambas” at
“sinverguenzas.”
Nang makita siya ni Payo,
sininghalan niya ito, “Ham-an abi itinayo mo ang iyong bahay sa lugar kung saan
babagsak ang puno at pagkatapos ako ang basueon mo?”
Ang nabiglang Kastila ay
napailing na lamang at dali-daling tumungo sa kanyang bahay na binagsakan ng puno.
Ang
Pinusong nga (H)istorya bilang Kasaysayan o kung
paano nagkaroon ng kinalaman si Payo kay Hen. Francisco del Castillo
Nakatago
sa likod ng mga pinusong na kuwento ni Payo ang napiping kaalamang
pangkapaligiran at pangkasaysayan hindi lamang ng Akeanon at Ibajaynon ngunit
ng mga Pilipino rin. Sa pagkukuwento ni
Payo ng mga ito ay nauungkat at napapalitaw ang mga sinaunang tradisyon at
paniniwala ng mga katutubo. Pagkakamali
lamang ng mga nakikinig nito kung ituturing itong pampatawa lamang. Sa malalimang basa ay naglalaman ang mga ito
ng subersibong elemento na nagbibigay-buhay at rason sa mga katutubo na
tolerahin ang kalagayang api. Sabi nga
ni Sam Gill (1982), “there is a pitfall in embracing only the
entertainment value of the trickster tales, for we are conditioned to think
that what is fun and entertaining cannot also be serious and profound” (71). Ang
sandaliang pagtawa marahil ay katumbas ng paglaya mula sa daantaong
pagka-alipin sa mga Kastila (at pati na rin sa mga mapang-aping lahi at uri na
pumalit sa kanila).
Ang
paggamit ni Payo ng mga di-kanais-nais na elemento sa kuwento (ilog, tulog,
puno, atbp.) ay isang teknik para
maiakda ang pagbalikdad ng kinasanayang “normal” na bagay-bagay at gawain sa
lipunang kolonyal. Nagtanghal ito ng
karnabal at naging katawa-tawa ngunit sa kabilang banda ay subersibo rin. Gumamit ito ng konsepto ng paglalabis
(excess) at pagbababa (debasement) para mapalitaw ang gawaing hindi makatao,
tama at kaaya-aya sa mata ng kolonisador (at nakolonisang katutubo). Paradoksikal ito dahil naging layunin ng
ganitong gawain na maitanghal ang kabaliktaran ng lahat na makikita sa rabaw
(surface) ng naratibo. Mapagpalaya ang
mga kuwentong pinusong ni Payo.
Mula sa
pagiging alalay at indio, si Payo ay
naging taumbayan (sa pagteteorya ni
Hornedo) at umako ng maraming katauhan: katutubo, Akeanon,
Calibonhon/Ibajaynon, si Hen. Francisco del Castillo, Papa Isio, at babaylan. Ang mga inakung katauhan ay ang
kabuuan at kalahatan ng nirerepresentang lahi na kumakalaban sa pang-aapi at
dominasyon ng Kastilang gobernadorsilyo---ng dominanteng lahi at uri sa
kasaysayan ng Pilipinas na lumupig sa katutubong kaalamang political, cultural
at pangkapaligiran.
Natapos man ang paghahari ng
kolonisador na Kastila, ang pagkukuwento ng pusong ay nagpatuloy pa rin. Ebidensya ang pagkakarinig ni Beato de la
Cruz ng mga ito noong 1950s mula sa isang matandang babae. Sa ngayon, nagkaroon na marahil ito ng ibang
porma at nilalaman. Hindi na lang palaging Kastila ang kinakatalo ng pusong
ngunit naisama na rin ang mga Amerikano, Hapon, Koreano at iba pang lahi sa
mundo. Higit sa lahat, nawala na rin
marahil ang pangalang Payo; napalitan na ito ng mas mapanghakop na salitang
“Pilipino.”