Thursday, February 11, 2010

pambansang bolitas


“si rizal ang bolitas ng bansa, natutunghayan ito sa katawan ng supling na bansa, na magpahanggang ngayon ay patuloy pa ring itinatanghal bilang pangunahing mamamayan dahil sa teknolohiya ng mekanismo ng mass production. pinamulan ito ng publikasyon ng kanyang nobela at ng litrato ng kanyang execution.” (roland tolentino, sipat at kultura)

itinuring ni roland tolentino si rizal bilang isang ‘dangling signifier’ (tulad ng ari) na nagpapakahulugan ng adhikaing pambansa. ang lahat na may kinalaman sa kanya ay nagkaroon ng estado ng pagiging iconic. halimbawa, tunghayan ang kanyang paliwanag sa icon o artifact na larawang kuha ilang minuto bago barilin si rizal sa luneta:

sa pamamagitan ng litrato, inaalaala at nililimot ang mga bagay-bagay. kakatwa ang litrato ni rizal dahil tila wala itong nililimot. sa muli’t muling pagbabalik-tanaw, ang litrato ay lumilikha ng familiaridad. kaya nagiging emotive ang antas ng ugnay ng litrato. parating may gustong balikan, isang ideal na nakaraan na nakuha ng sandali ng pagkuha ng litrato. ang litrato ay kulminasyon ng pagbibiyahe ng indibidwal, grupo at bansa; at naghuhudyat din ito ng patuloy na pagbiyahe sa kamalayan at alaala ng mga tumatanaw dito. ito ay dokumento ng nakalipas, na kahit hindi natin personal na kilala si rizal ay nagiging parang kapitbahay man lang natin siya. gayundin, ito ay dokumento ng memorialisasyon. hindi ordinaryong tao, okasyon at lugar ang sangkap sa litrato. bawat isa’y memorialisasyon ng pribado at publikong alaala. sa litrato ni rizal, hindi ipinapalimot ang kadakilaan ng bayani at ng historikal na sandali sa ugnayan nito sa bansa.

isang karakter ng postmodernong kondisyon ang mababanaag sa pakahulugan sa itaas. ito ay ang nostalgia kung saan ang absent ay muli at muling nililikha kahit na hindi masaid-said ang pagpapakahulugan. kahit na palaging kontradiktoryo ang kahulugan. ang nostalgia ay nagpapahiwatig ng distansya, ng konsepto ng layo na hindi naman malayo. sa katunayan, pilit na inilalapit.

sa gramatica de la lengua tagala ni fr. manuel buzeta (1850) mababasa ang “icaanim na otos” kung saan nakasaad kung paano (lamang) gagamitin ng katutubo ang kanyang katawan.

ang mga casalanang ypinagcacasala sa ycaanim na otos nang p. dios.

ang paghahalic at pagdaramahan nang cataouan, bocod sa pagdarating nila.
ang nagtitipang magaagolo, matoloy ma,t, dili man caya
ang nagpapataon sa canyang bahay sa magcalunya, at ang nagbabantay, at ang manga caalam sa gayong gaua.
ang mga nagpaparangalan nang manga calibogan niya.
ang nagpapasoloha,t, ang nagsosogo.
ang gungmagalao, at nagbubutingting nang caniya, sa yba cayang cataouan: linabasan man at diman.
ang tumatangui sa asawa, lalaque ma,t, babayi man, cun nahalata,t calooban nang cataoan nang asaua.
ang mag asauang nagpapaanyo sa pag-aapid, na sucat di ypaglihi nang babayi.
ang naquiquilaro sa capoua lalaqui, at sa capoua caya babayi nang anomang cahalayang asal.
ang tiquis congmacain nang anomang ycasosolong nang calibogan.
ang nagpuit, o cun napapuit caya, o cun nagcasala sa hayop.

itong mga nabanggit na bawal na paggamit sa katawan ay pinalaganap sa pamamagitan ng teknolohiya ng kumpisyunal. sa pag-aaral na ginawa ni francis gealogo (1994) nabanggit niya rito kung paaano ginamit ng simbahan ang kumpisalan:

ang pagsasambit ng lahat ng kasalanan na maaaring isagawa ng mga tao ay kalimitang ipinapahayag bilang kasagutan sa mga tanong (ng pari). ang lahat ng mga ito ay naaayon sa pagpapakahulugan ng mga teksto sa mga kasalanang maaaring maisagawa ng isang tao. ang pagpapakahulugang ito, sa kabilang banda, ay nakakawing naman sa mga doktrinal na paniniwala ng katolisismong espanyol at ng mga tradisyon ng simbahan. sa ganitong kaso, ang kasalanan na kaugnay ang sekswalidad ay tinitingnan bilang bahagi ng pagtatakwil sa ikaanim na utos ng diyos. kahit na ang kautusan ay ang pagbabawal lamang sa pakikiapid sa hindi asawa, pinalawak ng mga pormularyo ang lahat ng maaaring hanay at halayhay na kaugnay sa sekswalidad.

sa account ni jean mallat, isang french traveller sa pilipinas: “husbands cared little to find in their wives that flower so precious in the eyes of the europeans; they even considered themselves very lucky when a former suitor had spared them the effort of the expense, we say the expense, for there were men whose profession was to deflower the dalagas and who were paid for it…”

ito ay patunay ng hindi lubos na pagkakasakop ng mga kastila sa kultura ng mga pilipino. siyempre pwede pa nating isama dito ang ilan pang sekswal na praktis tulad ng pagiging “uragan” ng mga babae dahil nakikipagtalik sila sa iba’t ibang lalaki, o sa kapwa babae; ang paggamit ng mga gadget tulad ng bolitas at pin na pinaniniwalang nakakatulong sa pagbibigay ng dagdag na kasiyahan at ang pagiging natural na polygamous ng mga lalake. ang mga ito ay pinatutunayan, hindi lang ng sugidanon at iba pang epiko ngunit pati na rin ng mga sulat ni antonio de morga (1806), isa sa mga nagtala ng mga pangyayari sa pilipinas noong 17 dantaon.

the women both married and otherwise, are not so chaste, while the husbands, parents and brothers are scarcely jealous or careful regarding this matter. men and women are covetous and money-loving, so that when there is a price, they easily yield and when the husband catches his wife commiting infidelity, he is appeased and satisfied without difficulty. some of those who have associated with the spaniards and who desire to appear more cultured than the others, have sometimes been known to have killed the adulterers.

marahil ang katawan para sa kanila ay katawan lamang, binubuo ng buto’t laman. hindi sagrado. sa katunayan, maaaring paglaruan. basahin halimbawa ang sulat ni antonio morga:

[t]he natives of the islands of the tattoed people or visayas are driven to vicious practices and sensuality, and their instincts have led them to invent sordid ways for men and women to get together intimately. they have acquired a bad habit from youth, the boys making an incision or hole in their private organ, close to its head, and attaching to it a sort of snake-head metal or ivory, which is secured to the hole made in the organ, by means of a device of the same substance to keep it in place.

pero hindi lamang inimbento ito para sa kaligayahan ng lalaki. ayon kay henry william scott (1995) parehong babae at lalake ang nakikinabang dito. ‘[i]n use, these ornaments required manipulation by the woman herself to insert, and could not be withdrawn until the female organ was completely relaxed.” naging parehong espasyo ito para tunguhin ang isang kasiyahan (at kasakitan din) na walang pagbabawal, malayo sa titig ng autoridad na kastila. mababasa sa ugnayan ng dalawang katawan (babae at lalake), mediated ng teknolohiya ng pin/bolitas, ang ambigwidad ng kasarian, ng kapangyarihan ng babae at lalake. dagdag ni tolentino, ito ang “tulay sa pagitan ng kalikasan at kultura, pasakit at alindog, tao at hayop, pakiramdam at instinkto, produksyon ng kasiyahan at reproduksyon ng pamilya, at iba pa. ang objek ay integral na pagsanib nitong mga oposisyon, paglikha ng liminal na erya ng karanasan.”

No comments:

Post a Comment