Friday, August 21, 2009

disneyland bilang esensya




ang hong kong disneyland ay matatagpuan sa isla ng lantau. mga 20 minuto mula sa airport at 40 mula sa kowloon. sa kalaparan nito ay matatagpuan ang disneyland resort, hong kong disneyland hotel at hollywood hotel. ang pinaka-main attraction syempre ay ang resort na binubuo ng iba’t ibang istruktura na naka-layout para kumpletuhin ang kabuuang esensya ng karanasan ng isang turista.

sa diskurso ng kasaysayan, ang hong kong disneyland ay artikulasyon ng pre-modern, modern at postmodern na karanasan. and adventureland ay nagpapadanas ng pagbabalik sa di pa sibilisadong kondisyon na nirerepresenta ng simuklarisasyon ng naratibo ni tarzan. (ang mga turista ay pinasasakay sa balsa at bangka habang nasa palibot ang mekanisadong larawan ng mga hayop at tunog patungo sa sentral na imahen at representasyon ng pagiging savage na binuo ng textong tarzan.) sa kabilang panig naman ay ang tomorrowland na pinagbibidahan ni stitch at buzz lightyear kung saan ang space mountain (rides), ufo zone at autopia ay mga fantasya ng hinaharap na kayang danasin ng isang pinoy na turista (tulad ko) sa halagang abot-kaya(?). (naisip ko noong binisita namin ang space museum at ocean park, parang hinahanda na ng bansang tsina ang susunod na henerasyon sa fourth wave, na ayon kay alvin toffler ay space society na.) sa hilagang bahagi naman ang fantasyland kung saan papasok/dadaan ka sa isang castle at sa iyong pagtatagos ay tatambad sa iyong paningin ang konstraktisadong sibilisasyon ng europa na mababasa sa mga istruktura tulad ng tent (ng carousel at tindahan), flag (sa tindahan, castle), gazebo (kung saan pwedeng papiktyur sa mga disney characters tulad nina mickey, minnie, poh at goofie) at siyempre ang ilang desinyadong kastilyo na pinagdadausan ng palabas tulad ng golden mickey show (na para na ring house of mouse ng disney channel). sentral na atraksyon tuwing 7:30 ng gabi ay ang fireworks display na tumatagal ng 20 minuto kasabay ng piling musika at clips sa mga disney na pelikula.

at ang unang dadaanan ay ang mainstreet, usa kung saan nakamarka ang kasaysayan ng amerika; mababasa ito sa mga gusali na american west o cowboy ang motif. ang ilusyon ng kaayusan ay representado ng city hall (na nagsisilbing information center lang naman) at fire department (na nirerentahan ng mga stroller at iba pang gadget). sa malinis nitong kalye ay ang mga tindahan na mukhang gawa sa kahoy (bilang unang materyal na ginamit sa pagtayo ng sibilisasyong amerikano), pero imbis na mga construction materials ang mabibili ay mga souvenir items na markadong disneyland. meron ding mga bakery, jewelry store, coffee shop at isang kodak shop kung saan nakadisplay ang mga antigong koleksyon ng kamera. (kapansin-pansin ang isang estatwa ng indian chief sa kahabaan ng kalye na nakatingin sa isang gusali na may nakasulat na ‘carriage’ sa western na lettering.) sa mainstreet din ginagawa ang parada ng mga disney characters kung saan sinasayawan at pinapapuswitan ng tubig ang mga turista.

ang apat na bahaging ito ng disneyland ay ‘ikinulong’ sa animo’y pabilog na galaw ng dalawang tren na kumukuha ng pasahero tuwing limang minuto sa isa sa dalawang stop over na matatagpuan sa magkabilang panig ng resort. itong akto ng pag-ikot ang nagmarka ng pagiging buo at sentralidad ng layon ng texto ng disneyland. ito rin ang nagmarka ng postkolonyal na realidad na nirerepresenta ng istruktura. sa loob ng ‘bilog’ na ito ay naiakda ng amerika ang kanyang kaalaman/kapangyarihan tungkol sa mundo. ng kanyang mapanakop na titig sa sa di-sibilisado at mapang-engganyong imbitasyon sa ekonomiya ng hinaharap. sa pagitan nito ay ang paalala ng kasaysayan ng amerika at europa bilang lehitimong konggregasyon ng mga nasyon na magtatakda ng patutunguhan ng sanlibutan. (mayroon ding disneyland sa amerika at germany)

sa kabilang banda, mababanaag pa rin ang alingawngaw at pagpupumiglas ng asyano sa ganitong pananakop. sa pagpasok sa mga shows at rides, ang mga intsik ay ‘pumipila’ ngunit hindi sa iisa o dadalawahing hanay na nakasanayang gawin ng mga amerikano o erupeo. ang magkakaibiga’t magkapamilya ay gumagalaw bilang isang grupo na kung titingnan mo bilang tagalabas ay parang gitgitan o tulakan, ngunit sa katunayan ay wala namang ganoong nangyayari. ang ‘pagpila’ ng mga intsik ay isang kultural na pagkakaiba na pilit pa ring iginigiit sa konsepto ng kaayusan ng disneyland na imbensyon ng amerika.

sa dikurso ng wika, kahit na ginagamit ang english na pangalan ng staff, crew at waitress sa resort, pinapanatili pa rin nila ang tunog intsik ng salita. sa katunayan nahihirapan silang maintindihan ang tunog amerikano o british na english. negosyado rin ang mga pangalang nakakabit sa mga karatula at establistamento: unang nakasulat sa english tapos nasa ilalim ang salin sa intsik. sa mga panuto at programa, nauuna namang sinasabi ang intsik at sumusunod lamang ang english bilang salin ng nauna. kung english ang palabas, may salin sa intsik sa screen. kung intsik ang palabas, may salin rin sa english. maaring sabihing may asersyon at pagpapahina ng wika dito; maaaring sa intsik, maaaring sa english. ano’t anupaman ay nalilikha ang isang hybrid na produksyon ng wika, isang di-pamilyar ngunit functional na wika. wikang kailangan para kailangang maipagpatuloy ang pagkonstrak ng isang postkolonyal na kondisyon.

kayat sa tanong na “nasaan ang asya sa hong kong disneyland?” ang sagot ay nasa laylayan (margin) dahil dominado ng representasyon at esensya ng amerika at europa ang kabuuang elemento ng istruktura at pagpapahalaga ng resort na ito na isa ring b(in)uong mundo para maipagpatuloy ang mito ng superyoridad ng kaalaman/kapangyarihan ng mga mananakop na amerikano at europeo.

Thursday, August 20, 2009

ang laya sa cinema-laya

halos pinanood ko ang karamihan sa pelikulang ipinalabas sa cinemalaya noong hulyo (28-31) at agosto (3-4) sa up film center. noon pa mang nakaraang 2 linggo ay nag-iisip na ako kung paano isusulat ang aking mga napanood. may mga tala akong sinulat sa aking notebook (kung saan naka-stapler ang tiket at mga iskedyul) na maaari kung pagbasehan ngunit magiging mahaba ang aking ipo-post. ayokong sumulat ng mahaba kasi sa palagay ko ito ay kontra sa konsepto ng blogging at ng pagiging ‘gerilya’ ng blogging sa diskurso ng kaalaman/kapangyarihan. tulad ni rizal, nang binasa niya ang sulat ni morga sa london, ang magagawa ko lang marahil ay ang gumawa ng ‘anotasyon’ (at suhestyon) ng mga pelikulang aking napanood at tangkaing markahan ang mga pelikula sa konteksto ng postkolonyal na kondisyon ng bansa.

kaya itutuon ko na lang ang aking pagmumuni-muni sa konsepto ng ‘laya’ sa salitang cinema-laya. para sa akin mahalaga ang kalayaan ng artista sa paglikha. ang kalayaang ito ay maaaring hindi lang sa kung ano ang kanyang puweding gawin, ngunit pati na rin sa kung paano niya ito gagawin. dito na papasok ang nanalong pelikula sa cannes film festival ni brillante mendoza na “kinatay.” gaano kalaya ang pelikulang ito sa mapanakop na kaalaman ng kanluraning estetika at ideolohiya? kaninong pelikula ito? para kanino ang apresasyon nito? mas higit kaya itong nagpalaya sa mga pilipino sa parehong kultural at politikal na larang?

inaamin ko nahihirapan akong hanapan ng framework ng analisis ang pelikula. madali lang analisahin ang estetiko at humanismong pananaw. sabi ko nga sa kasama kong nanood, para lang tayong pinasakay sa isang ‘joyride to hell’ kung saan idinugtong niya na ‘nasilip niya lang ang langit’ nang pinatay na si gina/madonna (ang putang nagtitinda ng katawan niya at drugs ng mga pulis). ito ay kung sasakyan mo ang karanasan ni peping (estudyante ng criminology) sa kahabaan ng organikong shots mulang maynila papuntang bulacan (at pati pabalik), sa antipasyon at rekoleksiyon ng pagpatay sa puta. (magaling ang sound effects at musika.) ngunit kung titignang maigi, ang ‘kinatay’ ay hindi naman talaga maka-pilipinong pelikula. kulang ito ng refleksiyon at malalim na pagkakaugat sa memorya ng lahi. ito ay pelikula lamang ng kasalukuyan, para sa kasalukuyan. kahit gising ang pormang ginamit (sa usapin ng high modernity na pweding mapagkamalang postmodern), tulog pa rin ang nilalaman. (pansinin lang halimbawa ang esteryotipikal na representasyon ng babae, o ang kawalang lakas ng pangunahing tauhan na tumiwalag sa dominante at hegemonikong kalakaran ng lipunan.) mas maligaya ako sa “panggagahasa kay fe” kung saan mayroong pagsubok na lumikha ng bagong sentro batay sa kultura at paniniwala na nilupig ng mga mananakop na kastila at amerikano. sa pelikula, talagang kailangan nang magsalita ang ‘kapre’ at sabihin sa macho at masokistang lalaki na ang pagkabigo niyang makamit ang kaligayahang maibibigay ni fe (babae/kababaihan) ay dahil “nanatili siyang anak ng kanyang ama”---ang texto ng patriarkal na sistema. kayat kailangang ilabas si fe sa ‘normal’ na lipunan at mamuhay kasama ang ‘kapre.’

isasama ko na rin sa mga nagustuhan ko ang ilang short films na mulat tulad ng “behind closed doors” (lesbianang ideolohiya), “blogog” (imaginary vs symbolic), “musa” (teoryang queer) at “hulagpos” (feministang pananaw). ang mga pelikula tulad ng “colorum,” “tatang,” at “bonsai” ay napakapormalista at nagtatanghal ng kadakilaan ng pelikulang may organikong kabuuan. iba ang mga ito sa fragmentasyon na ipinakita ng “astig” at ‘pastiche’ o ‘parody’ ng “last supper #3” at “wat floor ma’am.” masasabing tulog pa ang mga pelikulang “ugat sa lupa,” at “24k” sa parehong porma at nilalaman.

sa bandang huli, nagsumikap mang makapagmarka ng laya ang pelikulang pilipino ng mga indie directors, huli pa rin sila ng silo ng pormula at sistema ng kanluraning kalakaran. ang kamulatan ay naririto lang, nasa mga laylayan ng ating lipunan. kailangan lang pakinggan at tanggapin ang memorya ng ating bayan. kung kay foucault pa nga, kailangan nating lumikha ng kontra-naratibo.

Hangga’t hindi kikilalanin ng ating mga direktor ang kolonyal na karanasan, ang laya sa salitang cinemalaya ay mananatiling salita lamang.

Tuesday, July 28, 2009

si pac(wo)man at ang boksing sa sona

ang panonood at pakikinig ng sona ay panonood at pakikinig ng laro ng boksing ni manny pacquiao. sa una ay ipinapakita sa atin ang mgm arena ng las vegas na punong-puno ng mga fans ng boksing. sa unang minuto pa lang na binitawan ni gma ang kanyang mga deadly punches ay palakpakan na kaagad ang mga tao sa loob ng batasang pambansa. natulig na kaagad ang kalabang tawagin na lang nating si kritiko. sinundan pa ito ng upper cut na nagpataas ng linya sa graph ng gdp at kung ano-anong istadistika na hindi maintindihan ng ordinaryong tao. tapos straight job uli kay kritiko na noong una’y sumang-ayon sa cha-cha ngunit nitong huli’y kontra na. follow up ng kanan sa dating lider na nakulong at ngayo’y may planong kumandidato na. at sunod-sunod na rapid punches sa kung sino-sino na kumakatawan kay kritiko.

“bababa” daw siya mula sa kanyang kinatatayuan ngunit hindi sinabing sa pagka-presidente. idinagdag na “magpapatuloy” siya sa kanyang pamboboksing hanggang mayo ng 2010. hindi natin masasabi kung ilang rounds pa ang aabutin ni kritiko sa kanya. pero malakas at lalo pang lumalakas si pac(wo)man dahil hindi siya natinag noong suntukin siya ng (hindi sinabing) “hello garci scandal” “zte deal” “fertilizer scam” at “oakwood mutiny.” tulad ni manny pacquiao na nagtaas ng kamao sa (malapit sa) hulihang bahagi ng sona, itinaas din ni gma ang kanyang sarili bilang pambansang boksingera. si pacman at si gma ay naging iisa. nabura ang hangganan, ang pagitan at pagkakaiba. ang nagsasalita sa sona ay si pac(wo)man na.

sa pagtatapos ng speech ay nakumpleto ang naratibo ng boksing na tumagal lamang ng dalawang rounds. tulad ng pagpapabagsak ni pacman kay hatton pinabagsak din ni gma si kritiko. nagpalakpakan ang sambayanan (kasama na ang mga ‘binayaran’) para sa bandang huli ay ibandila ang watawat ng pilipinas.

ang tagumpay ng sona ay tagumpay ng boksing ni pacman. si gma ang nagwagi sa boksing na ito na naging national sports ng taumbayan.

mabuhay ang pilipinas.

Monday, July 13, 2009

tanong ni levi-strauss: ano ang pagkakaiba ng ‘puno’t dulo’ sa ‘puno’t bunga’?

noong ginawan ko ng kritik ang artikulo ni conrado de quiros na “writer ka lang” sa klase ko sa kritisismo, pinuna ng titser ko ang paggamit ko ng salitag ‘puno’t dulo’ dahil hindi raw ito ginagamit ng mga post-istrukturalista o sa post-istrukturalistang pananaw. ang mga post-istrukturalista (tulad din ng mga istrukturalista) ay hindi tumitingin sa “cause ang effect” (puno’t dulo) at sinkronikong sistema ng pakahulugan. diakronik at sistema ng istruktura ng lipunan ang kanilang interes; na una nilang hinahanap sa wika. vertical at hindi horizontal. ayaw din nila ng ‘sentro.’ palagi na lang nilang inilalagay sa di-matatag (unstable) na posisyon ang isang kaalaman.

muling umalingawngaw ang salita noong nag-uusap usap kami sa dorm (guest house). dahil napik-up ng isa naming kasama (habang kumakain sa malayong mesa) na ang pinag-uusapan ay mga sabi-sabi o sawikain (naalala niyo pa kung sino ang nagsabi ng “tomorrow is another day.”?) dahil nga sinabi ng ‘pagod’ na kasama naming ang sinabi na ni ________ (di ko maalala pero nasa tip ng aking dila), na ilang milyong ulit na rin na nasabi sa iba’t ibang panahon at espasyo, sinabi niya na sa lahat ng sabi-sabi ang kasabihang “kung anong puno, siya ring bunga” ay pinabulaanan ng isang puno sa kanilan (at amin rin) lugar na may ibang bunga: ang buri na ang bunga ay budyawi. natawa kami na hindi rin malaman kung bakit. bakit nga ba?

sa ating kultura halos malalim ang pagkakaugat ng kasabihang “kung anong puno siya ring bunga.” karaniwang tinitingnan at hinuhusgahan ang ginawa ng isang pinoy ayon sa kanyang pamilya, ama o inang pinanggalingan. ang ‘ama’ ang ‘puno’ at ang ‘anak’ naman ang ‘bunga.’ dalawang magkaibang konsepto na maaaring maging iisa lang. ang kasamaan/kabutihan ng ama ay mamanahin ng anak. ang katalinuhan/kabobohan ng ina ay maaaring manahin ng anak. at iba pa.

balik tayo sa buri na may bunga na budyawi. ano kung gayon ang gustong patunayan ng bumabalikwas na koseptong ito? na hindi sa lahat ng espasyo at panahon ay tama ang naestablisang pananaw? na maaaring ang isang puno ay magkabunga ng iba? na hindi na mangga=mangga, niyog=niyog at buri=buri? na pwede rin palang buri=budyawi?

ayon kay claude levis strauss (na siyang umembento ng sikat na levis; maniwala kayo kung hindi niyo alam) ang kahulugan ay maaaring tignan sa tinatawag na binary opposites (isinalin ko ito sa “kabilaang tunggalian” ngunit napag-alaman kong ang ginagamit ng titser ko ay “dalawahang magkasalungat”); halimbawa nito ay buhay/kamatayan, mabuti/masama, mayaman/mahirap, bago/luma atbp. dito hindi na maaaring isama ang puno/bunga. ang mas angkop na ilustrasyon dapat ay puno=bunga. kapareho ng puno=dulo.

Buri/budyawi. ito ang ilustrasyon na nagpapatunay na iba ang ‘puno’ sa ‘bunga.’ ang anomang nilikha ng ‘puno’ ay hindi nangangailangang maging kapareho ng lilikhain ng ‘bunga.’ ang dalawang entidad ay nagsasalungatan. iba ang signifikasyon ng ‘puno’ sa ‘bunga.’ hindi maaaring tignan lamang ang kahulugan sa “cause and effect” na paradigm. mas kailangang hanapin ang pagkakaiba (difference) para maimarka ang kahulugan.

pero sa ngayon, at sa dahilang hindi ko pa natitikman ang budyawi (nangako ang isang dormer/boarder na dadalhan ako kung makauwi sa iloilo), hindi ko pa masasabi kung ano talaga ang pagkakaiba ng dalawa. basta sa usapang iyon nagkaroon na kami ng ligaya/pait sa aming nalaman/di-nalaman tungkol sa pagiging magkabilaan ng kahulugan.



pakialam ni saussure sa water dispenser

isa sa mga masadyang okasyon sa aming dorm (na guest house rin) ay ang pagtipon-tipon ng mga estudyante (at fakulti rin) sa lobby (na siya ring lugar ng kainan at pag-aral) matapos makabalik mula sa kani-kaniyang mga (panggabing) klase. kahit medyo pagod ang katawan at isipan nagkakaroon pa rin ng puwang ang ‘malalim’ na diskusyon. minsan.

hindi ko alam kung paano sumabad sa aming usapan si saussure noong napag-usapan ang sira (ngunit nagagamit pa rin) na dispenser ng malamig na tubig na sinasagisag ng kulay na ‘blue.’ basta may nagtanong na lang kung bakit ‘blue’ at hindi ibang kulay ang tagasagisag ng ‘cold’ na tubig. dahil binabasa ko noon si ferdinand de saussure at ang teorya ng iba pang mga istrukturalista, ipinaliwanag ko ang konsepto ng ‘arbitrary’ at ‘relational’--- na nagkagayon ang kahulugan ng ‘blue’ dahil sa kanyang relasyon sa kulay ‘red’ (sumasagisag ng ‘hot’) sa topiko na temperature. kaya nga tinawag na arbitrary dahil walang direkta at inherent na kahulugan, ito ay dapat pang pagkasunduan. kung magkakasundo lang naman kami, e pwede naming gawing ‘red’ ang sa ‘cold’ at ‘blue’ ang sa ‘hot.’

sa pananaw ng isa naming kasama (na kumukuha ng psychology at mas komportable sa ‘permanenteng’ kahulugan) magulo at komplikado ang ganitong sistema ng pagpapakahulugan. e, bakit hindi pwedeng may isa na lang napagkakasunduan? oo nga ano? bakit hindi pwede?

noong nakaraang lingo lang isang biker ang binangga ng drayber ng multi cab habang pareho silang bumiglang-liko sa krosing na may traffic lights sa isang bahagi ng akademik oval. tanong? bakit nagkabanggaan gayong meron namang senyas ng paghinto (red) at pagtakbo (green), isama pa ang paghahanda (yellow)? nagkamali ba si sausser sa pagpapakahulugan?

balik sa dorm (na guest house rin). dito pa nga lang sa espasyong aming tinitirhan ang lahat halos ay walang permanenting kahulugan. sa espasyong ito, kami ay maaaring maging estudyante o fakulti; maaaring tawagin sa pangalang ‘john’ o ‘sir’ (opposite ng ‘ma’am’) depende sa konteksto ng pag-uusapan. (salamat at wala pa akong naririnig na ‘toto,’ ‘nonoy,’ ‘day,’ o ‘ne’ dahil iba na namang usapan ‘to.) sa espasyong ito, kami ay maaaring empleyado (ng upv) at ordinaryong dormer/border lang (ng upv guest house). sa espasyong ito, ang ‘lobby’ ay pwede naming gawing ‘study area’ at ‘kainan’ (o chikahan ng “wala lang:” churbachurbs ayon sa gayspeak na bago ko lang nalaman sa espasyo ding ito na aking sinusulatan). nag-uusap din kami para desisyonan ang buhay at kapalaran ng dalawang pusa na siyang pumalit kina winter (puti ang kulay at bluish ang mga mata) at bebang (orange at puti). sa ngayon, hindi pa namin sila nabibinyagan ng pangalan at wala pang desisyon kung kailan itatapon sa knl (krus na ligaw)--- o, huwag niyong sabihing ‘nagkamali’ na naman ako ng pakahulugan dahil imbis na ligas ay ligaw?

at ano naman ang kabuluhan kung bakit pinag-usapan ang pagbibigay ng kahulugan? sagot ni rhett butler, “frankly, my dear, i don’t give a damn!” susundan ng katahimikan. espasyo. tapos alingawngaw. titingin sa kalangitan si scarlett o’hara at (performatibong) babanggitin ang “tomorrow is another day.” end. finis. tapos na. it is finished. consummatom est.

nabuo na ang bagong kahulugan.

Friday, July 10, 2009

si kidlat tahimik sa karnabal ng parangal

hindi ko inakalang isang karnabal pala ang aking mapapanood noong hapong umatend ako ng up gawad plaridel 2009. ang awardee sa nasabing parangal ay ang kilalang filmmaker na si kidlat tahimik.

ang parangal ay ibinibigay ng up sa isang taong “may katangi-tanging praktis sa larangan ng midya” ayon sa “pinakamataas na antas ng propesyunal na integridad at sa kapakanan ng serbisyo publiko.” ipinangalan ito kay marcelo h. del pilar na may sagisag-panulat na “plaridel.”

si kidlat tahimik ay nakilala sa larangan ng paggawa ng independent film. sa katunayan, siya ang nauna. ibinansag na nga sa kanya ang tawag na “father of independent film.” nakuha niya ang bansag dahil sa kanyang “pagtuklas at pagbuo (niya) ng kadalasa’y alternatibo, inobatibo at mapangahas na paraan ng pagpapalabas at pagpapalaganap ng malayang pelikula o independent film sa loob at labas ng bansa.”

nakaprograma sa akin (bilang manonood) na makinig sa lektyur ni kidlat (ito ang sumagi sa aking isipan nang ibinigay ni roland tolentino ang imbitasyon) na naisip ko na magiging tungkol sa karanasan at kaalaman niya sa paggawa ng pelikula. ngunit iba ang ginawang presentasyon ni kidlat. ang ginawa niya ay isang (re)presentasyon. ‘pinaglaruan’ niya ang okasyon para ilagay sa diskursibong sitwasyon ang akademya (up) at maipasok niya ang pagtatanghal ng nalupig na kaalaman. ito ang tinatawag ni mikhail bakhtin na “carnivalesque.”

sa “carnivalesque,” ang isang seryosong sitwasyon ay ginagawang katawa-tawa (tulad ng sa karnabal) kung saan napapatawa ang manonood. pero kasabay ng tawanan at akto ng pagtawa ay ang paglikha ng aktor (si kidlat) ng puwang para isingit ang subersibong teksto (sa kaso ng programa, ang “indigenous” na kaalaman na tinawag niyang “indi-genius,” pagsama ng “indio” at “genius”). subersibo dahil alam niya (at alam din ng mga akademikong nanonood) na ang hegemonik na kaalaman sa unibersidad (gayundin sa bansa) ay ang kaalamang kanluranin. (sa kaso ng pelikula ang hegemonya ng hollywood.)

ginawa ito ni kidlat sa pamamagitang ng pagsuot ng bahag (katutubo) na pinaibabawan ng amerikana (banyaga) na may sablay at cap---representasyon ng binuong katauhan ng maka-kanluraning edukasyon, kahit pa man sa loob ay ang pagiging katutubo. isinuot niya ito ayon sa kanya para magmukha siyang ‘akademik’ at para ‘pakinggan’ ng mga nanonood. disturbado nga lang ang nangyayaring pakikinig dahil mas natuon ang atensyon ng manonood sa performatibong aspekto ng kanyang presensya. naging mas manifestado ang pagiging karnabal ng kanyang presence.

ipinarating ni kidlat na ang kaalamang dapat kuhanin ng mga manonood ay wala sa kanyang sasabihin ngunit nasa kanyang pagtatanghal. na ang pagtatanghal niya mismo ang kaalaman.
naging mas ‘maingay’ pa ang kanyang karnabal nang sa bandang huli ay nagpalabas siya ng isang performans art hawak-hawak at tinutogtog ang isang instrumentong gawa sa brass kung saan inaku niya ang isang karakter na nag-aral sa amerika bilang filmmaker, umuwi sa bansa at nangarap na gumawa ng pelikula habang kinakausap ang (di-makapagsalita/di-nagsasalitang) ina.

higit pang nadagdagan ang ‘ingay’ nang bigla na lang nagsitayuan ang mga igorot na kanyang dinala mula sa kanyang komunidad sa ifugao at nagsiakyatan sa entablado habang walang tigil ang pagtugtog at ang pagsayaw. hindi pa dito nagtapos ang karnabal ni kidlat. iniakda pa niya ang pagbibigay ng ‘diploma’ sa isang igorota at pagpapasuot sa kanya ng sablay at cap (na kanyang nilagyan ng telang igorot). palakpakan ang mga manonood. dito na nakumpleto ang ginawang (pansamantalang) pagtumba ni kidlat ng hegemonya ng kaalamang kanluranin.

sa karnabal ng parangal at parangal ng karnabal na ito muling nabuksan ang nalupig na kaalaman. bukas wala na ang karnabal. pero mananatili ang parangal. si kidlat, ang mga igorot ay babalik sa ifugao at maghihintay uli ng panibagong imbitasyon para muling itanghal ang nalupig na kaalaman.

Tuesday, July 7, 2009

luking 4 1: tarpulin sa oval/nasyon

noong dumating ako sa diliman nitong hunyo napansin ko kaagad ang mga nakakabit na mga tarpulin na pumapaikot sa kabuuan ng akademik oval. unang araw ko sa pag-walking nang binasa ko nang malapitan ang mga ito. nalaman ko na ito ay isang proyekto ng isang organisasyon (na nakipagtulungan sa isang ahensya ng gobyerno) na may magandang layunin: pagkatapos ng eksibit ang mga tarpulin ay gagawing bag ng mga mahihirap (sa tulong ng designer) para maibenta.

‘looking for juan’ (outdoor banner project) ang tema ng eksibit. ang mga tarpulin ay kakikitaan ng mga nireprodyus larawan ng painting, larawan ng iskultura at mga sipi sa mga sanaysay at tula. mula sa ibinigay na tema ay lumabas ang mga mapaglarong pamagat sa mga painting (na ngayo’y tarpulin na dahil inilipat ang kopya) tulad ng ‘we are not juan,’ ‘juan sagwan,’ ‘juanderful world,’ ‘juan daan,’ ‘juan luma,’ ‘juan earth,’ at ‘damit ni juan.’ hindi lang doble- kahulugan ang nirerepresenta ng mga pamagat ngunit multiplisidad pa.

ang salitang ‘juan’ sa mga tarpulin ay ginamit sa iba’t ibang konteksto. sa pagkawatak-watak ng heyograpiya ng bansa gayundin ng iba’t ibang grupong etniko ay ginamit ang ‘we are not juan.’ hindi tayo iisa o nagkakaisa. o pwede ring hindi tayo pilipino. sa naratibo ng pagiging ofw/ocw sa iba’t ibang panig ng mundo ginamit ang ‘sagwan’ para irepresenta ang abenturerong gawain----kasabay ng pagbalikid sa pamilya at bayang iniwan. sa pagtingin sa lipunan na kahit na klarong nakikita ang malabo napipilit pa rin ang ‘juanderful world’ na humihingi ng ‘juan earth’ (oo maganda pa rin kahit sobra nang pangit ang nangyayari sa kapaligiran, sa ekonomiya at sa politika.) at ano o magkano na nga lang ba ang halaga ng ‘juan daan’ piso (p100)? tanong nga sa isang ad: saan ka dadalhin ng iyong p20? (sa mga estudyante, p9 lang ang bayad sa dyip papuntang trinoma at sm north.) magkasya na lang tayo sa pagsuot ng t-shirt ni ‘juan’ dahil ito ang mura at komportable (wala namang namumuna kahit ‘wash n fold’ lang sa laundry shop sa shopping o sa laurel.) kahit mura ang ukay-ukay sa cubao may rason pa rin kung bakit ‘damit ni juan’ ang ating dapat bilhin.

ganito karami ang sinasabi ng mga tarpulin. sa bawat araw na iikutin mo sa pagwo-walking at pagjo-jogging ang academic oval ay hindi ka mauubusan ng maiisip na kahulugan. pero kahit na gaano karami nilimita pa rin ang iyong pagpapakahulugan ng pangalang ‘oval’ (na isa ring hugis) at ng pang-uri na ‘akademik.’ para bang sinasabi na hindi lamang akto ng pagtakbo o paglakad ang maaaring mangyari o gawin mo habang iniikot mo ang oval. umiikot ka para diskursihin ang iyong sarili. umiikot ka para sa iyong sarili na makikipagdiskurso sa ibang senyas. negosyado sa iyong galaw ang hugis na iyong binubuo sa pag-ikot, ang iyong iniikutan (ang quezon hall at ang oblation, ang library at bulwagan ng dangal, ang beta walk at sunken garden) at ang lahat na nasa labas ng iyong minarkahang akademik oval (ang mga iika-ikang dyip at ang nagmamadaling suv’s, ang carillion tower, film center at mga akademik halls, ang mga iskwater at ang hindi mo na makikitang palasyo ng malakanyang.)

sa iyong pagkakabuo ng isang oval hindi mo nalalaman naikot mo na pala ang iyong nasyon.

paghuhubad at ang french (mature) film

magandang oportunidad ang mag-aral sa up hindi lamang dahil sa eksaytment na makukuha mo sa mga propesor ngunit pati na rin ang makapanood ng libreng pelikula sa up film center. nitong nakaraang linggo lang ay halos ‘ninakaw’ ko ang oras na dapat sana ay ilalaan ko sa aking mga asaynment para lamang makapanood ng mga french films. napanood ko halos lahat ng pelikula (maliban sa ‘van gogh’ dahil konflik sa aking isang klase at les quatre dents coups na nag-walk out ako dahil walang subtitle). sa apat na pelikulang aking napanood tatlo rito ang may rating na “for mature viewing.”

habang ginagawa ko ang aking ‘walking’ sa academic oval ng up isang umaga, bigla ko na lang naisipang sumulat tungkol sa aking mga napanood na mga pelikula. siguro naintrega lang ako sa forum tungkol sa isang pelikula, ang a tout de suite (right now) kung saan narinig ko sa isang panelist na wala daw halos pagkakaiba ang french at ang filipino. pareho din daw na karanasan ang ipinapakita sa mga pelikula. ang pagkakaiba nga lang ay natatanggap na sa kanila ang paghuhubad samantalang sa pilipinas ay hindi pa. (hindi yata pumayag ang mtrcb na ipalabas ang pelikula sa unang festival na ginanap sa shangrila?) may isa pang estudyante ang nagtanong (na para na ring sagot) na bakit hindi na lang payagang mapanood ang ganitong klase ng pelikula.

ano ba ang paghuhubad at bakit naging malaking isyu ito sa usapin ng pelikula? ito ang katanungan na nais kong sagutin kahit sa akin man lang pagmumuni-muni (at habang nagwa-walking).

ang paghuhubad ay hindi lang bahagi ng estetikong gawain sa paggawa ng pelikula. ito rin ay isang kultural na gawain. hindi lamang dahil gusto ng direktor o prodyuser na mayroong eksena ng paghuhubad ay kailangan na itong isama sa pelikula. o dahil inilagay ito ng scriptwriter at ito ay hinihingi ng eksena. markado sa paghuhubad ang gawain hindi lamang ng karakter ngunit ng kabuuang rasa (sa kaso ng pelikula, french). napansin ko halimbawa na sa mga pelikula ipinapakita ang hubad na katawan ng parehong babae at lalaki sa pagbangon sa higaan, pagpunta sa kusina at pagkuha ng maiinom, paliligo at pagbihis. wala pa ito sa mga eksena na mayroong konotasyon ng seks.

ang tanong ay bakit naging ‘natural’ na tignan at hagurin ang mga katawan nila ng kamera? dahil ito ba ay mimetikong pagkopya ng kanilang pang-araw-araw na ginagawa? o dahil ang mga katawan mismo nila ang ginagawang tagapagsalita para sa kanila? kung itong huli ang susundan, ano naman ang sinasabi ng kanilang mga katawan?

ang naratibo ng sekswalidad ng mga french ay sinasalaysay ng kanilang (hubad na) katawan. ang kasiyahan at lungkot ng babae at lalaki ay nirerepresenta ng hubad na katawan. sa ilang eksena halimbawa sa pelikulang marie et ses deux amours (marie-jo and her two lovers) ay ipinakita ang bana ng pangunahing tauhan na si marie-jo na nakahubad na nakaupo sa balkonahe habang nakatingin sa gawing labas ng bahay. mabigat ang ipinapahiwatig na kahulugan ng imahen dala na rin ng laylay na postura at pagkakaupo. parang nagsasabi na ito ang katawan ng lalaking may asawa. basahin natin (bilang manonood) ang naratibo na nakasulat sa kurba, anggulo at mga guhit sa balat ng lalaki.

ganito rin ang mensahe ng katawan ng babaeng bida sa pelikulang ca brule (on fire) kung saan ang pagpapakita ng kanyang (natatabunan pa nga ng damit na) mga umbok sa pagbubukas ng pelikula pa lang ay suhestiyon na sa mambabasa na basahin ang kartograpikong paghagod ng kamera: mula hita hanggang dibdib. sa isang eksena ay hinubad pa nga niya ang bra at idinipa ang sarili sa hindi nakikitang ‘diyos’ kita ang dalawang utong. nakasulat kasi sa naratibo ng kanyang katawan ang konsepto ng pag-aalay. sa kuwento ay kailangan niyang mapunan ang kanyang pangangailangan sekswal na sa romantiko-erotiko niyang pag-iisip ay maibibigay ng fireman na tumulong sa kaniya. (bigo nga lang na mabigyan ito ng kasagutan dahil ang pamagat ay ibinaling sa literal na pakahulugan ng ‘fire’---sunog sa bundok sa bandang huli ng pelikula.)

ibang naratibo ng katawan naman ang makikita sa la pianiste (the piano teacher). ang gawaing paghuhubad dito ay isang sikolohikal na kondisyon: ang pagiging repressed ng babae. marahil dahil sa hindi nababanggit na karanasan noong kabataan na may kinalaman sa amang nakulong sa mental hospital at inang naging tagabantay niya kahit na sa kanyang edad na maaari nang mamuhay na mag-isa. kayat imbis na atraksiyon ay naging repulsiyon ang makukuha ng manonood. may pagkasadomasokista ang pagmarka sa katawan dahil hinuhubaran ang piano teacher para maipakita ang paglapat ng sakit (pag-blade ng puki, pagbugbog, ‘pag-rape’, pagsaksak at iba pa). sa hubad na katawan ng piano teacher nailantad ang representasyon ng isang intellectual at artist na hindi maihanay at maipaloob ang sarili sa lipunan ng gitnang-uri na kinakarakterays ng pretensiyon.

naratibo ng inosenteng kabataan naman ang nakamarka sa katawan ng babaing fine arts student na sumama sa nobyong magnanakaw sa pagtakas sa mga bansang spain, morocco at greece sa pelikulnang a tout de suite (right now). naging kontrobersyal ang pelikula dahil sa ilang ulit na pagpapakita ng suso at sabot (bulbol). gayunpaman ang pagpapakita ay hindi inaayon sa akto ng pag-itot (nalaman ko lang nitong mga nakaraang linggo sa epikong ‘hinilawod’ na ang sinaunang kinaray-a term sa ‘itot’ ay ‘adudo’). ipinapakita ng lantaran ang hubad na katawan bago at pagkatapos ng akto. inosente ang nakasulat na texto dahil ang karakter ay wala pang malay (consiousness) sa kaniyang tatahaking landas kasama ang nobyong minarkahang kriminal ng lipunan. nasa bakdrap pa ang burges na pamilya ng pangunahing tauhan. ipinakita sa pelikula kung paano gumagalaw ang katawan (kahit na ang hubad na katawan) sa pagitan ng diskurso ng uri: ng uring french na burges at mahirap na imigranting muslim. pantay at walang lamangan ang parehong hubad na katawan ngunit subersibo ng kanilang parehong pinanggalingan. sa mitolohikal na lebel, ang pag-uugnay ng katawan ng babaing estudyante ng fine arts at ang kriminal na muslim ay isang pagtatampisaw sa posibilidad ng pag-iisa ng ‘bida’ (french) at ‘kaaway’ (muslim-african) ng kasaysayan ng france. siyempre para lamang supilin sa huli ng kuwento.

ang paghuhubad sa mga pelikulang french ay may hangaring ipakita ang idea ng pagiging ‘natural’ at ‘unibersal’ ng paghuhubad. subalit ito ay ideang binuo ng mga taga-kanluran. may layunin itong humakop at sumakop. kayat sablay din dahil sa masusing basa ang paghuhubad ay lumalabas na isang kultural at ispesipikong gawain sa mga french---kahit wala pa man ang kamera, ang paghuhubad ay nariyan na. at kung ihahambing natin ang mata ng kamera sa mata ng (kanilang) direktor (na siyang may-akda at nag-aakda) ang mga ito ay hindi nakasara at nakadilat pa nga. kitang-kita ng kanilang kamera/mata ng direktor ang pagbangon ng (hubad) katawan, mula sa kama hanggang balkonahe o kusina, walang putol at sumusunod ang tingin (kung hindi man titig) kayat nakikita rin ng manonood ang nakikita ng direktor. samantala, walang ganitong kamera/mata ng direktor sa ating mga pelikula.

Sunday, July 5, 2009

diliman walking: in lower cases


diliman. naisip ko lang: nais kong idokumento ang aking pananatili dito sa up diliman. mayroon akong tatlong taon dito. sayang kung hindi ko maisatitik ang aking pang-araw-araw na karanasan sa loob at labas ng kampus (na iba sa bayang aking pinanggalingan). hinahabol ko na ang aking memorya. hala nang sapat na asukal sa aking isipan para maipreserba ang nangyari at mangyayari pa sa aking pananatili. ito ang naisip kong paraan.

walking. halos araw-araw ko itong ginagawa sa academic oval. katumbas ng tagaktak ng pawis ang paglaglag ng lebel ng asukal sa aking katawan. survival. parehong pisikal at intelektwal. sa ginagawa kong paglalakad nabubuo ang mga idea, nagkakahugis ang mga puna at nabibigyang buhay ko ang aking karanasan.