Tuesday, July 7, 2009

luking 4 1: tarpulin sa oval/nasyon

noong dumating ako sa diliman nitong hunyo napansin ko kaagad ang mga nakakabit na mga tarpulin na pumapaikot sa kabuuan ng akademik oval. unang araw ko sa pag-walking nang binasa ko nang malapitan ang mga ito. nalaman ko na ito ay isang proyekto ng isang organisasyon (na nakipagtulungan sa isang ahensya ng gobyerno) na may magandang layunin: pagkatapos ng eksibit ang mga tarpulin ay gagawing bag ng mga mahihirap (sa tulong ng designer) para maibenta.

‘looking for juan’ (outdoor banner project) ang tema ng eksibit. ang mga tarpulin ay kakikitaan ng mga nireprodyus larawan ng painting, larawan ng iskultura at mga sipi sa mga sanaysay at tula. mula sa ibinigay na tema ay lumabas ang mga mapaglarong pamagat sa mga painting (na ngayo’y tarpulin na dahil inilipat ang kopya) tulad ng ‘we are not juan,’ ‘juan sagwan,’ ‘juanderful world,’ ‘juan daan,’ ‘juan luma,’ ‘juan earth,’ at ‘damit ni juan.’ hindi lang doble- kahulugan ang nirerepresenta ng mga pamagat ngunit multiplisidad pa.

ang salitang ‘juan’ sa mga tarpulin ay ginamit sa iba’t ibang konteksto. sa pagkawatak-watak ng heyograpiya ng bansa gayundin ng iba’t ibang grupong etniko ay ginamit ang ‘we are not juan.’ hindi tayo iisa o nagkakaisa. o pwede ring hindi tayo pilipino. sa naratibo ng pagiging ofw/ocw sa iba’t ibang panig ng mundo ginamit ang ‘sagwan’ para irepresenta ang abenturerong gawain----kasabay ng pagbalikid sa pamilya at bayang iniwan. sa pagtingin sa lipunan na kahit na klarong nakikita ang malabo napipilit pa rin ang ‘juanderful world’ na humihingi ng ‘juan earth’ (oo maganda pa rin kahit sobra nang pangit ang nangyayari sa kapaligiran, sa ekonomiya at sa politika.) at ano o magkano na nga lang ba ang halaga ng ‘juan daan’ piso (p100)? tanong nga sa isang ad: saan ka dadalhin ng iyong p20? (sa mga estudyante, p9 lang ang bayad sa dyip papuntang trinoma at sm north.) magkasya na lang tayo sa pagsuot ng t-shirt ni ‘juan’ dahil ito ang mura at komportable (wala namang namumuna kahit ‘wash n fold’ lang sa laundry shop sa shopping o sa laurel.) kahit mura ang ukay-ukay sa cubao may rason pa rin kung bakit ‘damit ni juan’ ang ating dapat bilhin.

ganito karami ang sinasabi ng mga tarpulin. sa bawat araw na iikutin mo sa pagwo-walking at pagjo-jogging ang academic oval ay hindi ka mauubusan ng maiisip na kahulugan. pero kahit na gaano karami nilimita pa rin ang iyong pagpapakahulugan ng pangalang ‘oval’ (na isa ring hugis) at ng pang-uri na ‘akademik.’ para bang sinasabi na hindi lamang akto ng pagtakbo o paglakad ang maaaring mangyari o gawin mo habang iniikot mo ang oval. umiikot ka para diskursihin ang iyong sarili. umiikot ka para sa iyong sarili na makikipagdiskurso sa ibang senyas. negosyado sa iyong galaw ang hugis na iyong binubuo sa pag-ikot, ang iyong iniikutan (ang quezon hall at ang oblation, ang library at bulwagan ng dangal, ang beta walk at sunken garden) at ang lahat na nasa labas ng iyong minarkahang akademik oval (ang mga iika-ikang dyip at ang nagmamadaling suv’s, ang carillion tower, film center at mga akademik halls, ang mga iskwater at ang hindi mo na makikitang palasyo ng malakanyang.)

sa iyong pagkakabuo ng isang oval hindi mo nalalaman naikot mo na pala ang iyong nasyon.

4 comments:

  1. ang tanong po, ay kung lahat nga ba ng tao na dadaan sa oval ay paki-alam man lang na diskursuhin ang mga nakasulat dito...

    pero at least di ba, may mga "statements" na ngayong ganyan... hindi lang sa mga tarpailin, pati na sa mga t-shirt, cellpone themes,etc.
    sa tingin nyo, epektibo po ba ang mga "pinoy-themed" items sa pag-pasok sa kulturang popular ng mga pinoy?


    ---reyanne joy librado

    ReplyDelete
  2. masasagot mo ang "epektibo" kung alam mo kung kaninong interes ang sinisilbihan nito. sa ganitong pananaw lilitaw na ang texto ay isa nang mito at funksyon nito ay para magpagalaw ng tao---sa madaling salita propaganda.

    ReplyDelete
  3. so, positibo po ba ito sa pagpapakilala na ang isang tao ay isang pinoy at may kamalayan para sa bayan?
    o "fad" lang po talaga ito?
    halimbawa, dito sa miagao, nauuso ngayon sa mga estudyante ang mga "AKOMISMO" dogtags. pero kung tatanungin ang iilan, "wala lang"/"trip ko lang" laman ang kanilang naisasagot.

    ReplyDelete
  4. kay saussure ang 'akomismo' ay nagkaroon ng kahulugan dahil sa relasyon nito sa salitang 'estudyante' 'dogtag' at marahil 'upv miag-ao'. walang kinalaman ito sa 'wala lang' at 'trip lang' dahil wala namang materyalidad ang mga salitang ito. nalikha lamang dahil tinanong sila.
    sa kabilang banda (sa posistrukturalismo) ang 'akomismo' ay maaring magkaroon ng kahulugan dahil sa kultral nitong konteksto. dahil ang 'dogtag' ay pangmilitar at ang militar ay kilalang bayolente ang pagsuot ng dogtag na 'akomismo' ay isang aserrtion ng isang estudyante na subersibo sa kinakalaban nitong 'tayo' (mismo), 'sila' (mismo) 'kayo'(mismo). sa madaling salita ang 'ako' ay ang pag-iiba (othering) niya sa 'tayo' sila' at 'kayo'.

    ReplyDelete