Tuesday, July 7, 2009

paghuhubad at ang french (mature) film

magandang oportunidad ang mag-aral sa up hindi lamang dahil sa eksaytment na makukuha mo sa mga propesor ngunit pati na rin ang makapanood ng libreng pelikula sa up film center. nitong nakaraang linggo lang ay halos ‘ninakaw’ ko ang oras na dapat sana ay ilalaan ko sa aking mga asaynment para lamang makapanood ng mga french films. napanood ko halos lahat ng pelikula (maliban sa ‘van gogh’ dahil konflik sa aking isang klase at les quatre dents coups na nag-walk out ako dahil walang subtitle). sa apat na pelikulang aking napanood tatlo rito ang may rating na “for mature viewing.”

habang ginagawa ko ang aking ‘walking’ sa academic oval ng up isang umaga, bigla ko na lang naisipang sumulat tungkol sa aking mga napanood na mga pelikula. siguro naintrega lang ako sa forum tungkol sa isang pelikula, ang a tout de suite (right now) kung saan narinig ko sa isang panelist na wala daw halos pagkakaiba ang french at ang filipino. pareho din daw na karanasan ang ipinapakita sa mga pelikula. ang pagkakaiba nga lang ay natatanggap na sa kanila ang paghuhubad samantalang sa pilipinas ay hindi pa. (hindi yata pumayag ang mtrcb na ipalabas ang pelikula sa unang festival na ginanap sa shangrila?) may isa pang estudyante ang nagtanong (na para na ring sagot) na bakit hindi na lang payagang mapanood ang ganitong klase ng pelikula.

ano ba ang paghuhubad at bakit naging malaking isyu ito sa usapin ng pelikula? ito ang katanungan na nais kong sagutin kahit sa akin man lang pagmumuni-muni (at habang nagwa-walking).

ang paghuhubad ay hindi lang bahagi ng estetikong gawain sa paggawa ng pelikula. ito rin ay isang kultural na gawain. hindi lamang dahil gusto ng direktor o prodyuser na mayroong eksena ng paghuhubad ay kailangan na itong isama sa pelikula. o dahil inilagay ito ng scriptwriter at ito ay hinihingi ng eksena. markado sa paghuhubad ang gawain hindi lamang ng karakter ngunit ng kabuuang rasa (sa kaso ng pelikula, french). napansin ko halimbawa na sa mga pelikula ipinapakita ang hubad na katawan ng parehong babae at lalaki sa pagbangon sa higaan, pagpunta sa kusina at pagkuha ng maiinom, paliligo at pagbihis. wala pa ito sa mga eksena na mayroong konotasyon ng seks.

ang tanong ay bakit naging ‘natural’ na tignan at hagurin ang mga katawan nila ng kamera? dahil ito ba ay mimetikong pagkopya ng kanilang pang-araw-araw na ginagawa? o dahil ang mga katawan mismo nila ang ginagawang tagapagsalita para sa kanila? kung itong huli ang susundan, ano naman ang sinasabi ng kanilang mga katawan?

ang naratibo ng sekswalidad ng mga french ay sinasalaysay ng kanilang (hubad na) katawan. ang kasiyahan at lungkot ng babae at lalaki ay nirerepresenta ng hubad na katawan. sa ilang eksena halimbawa sa pelikulang marie et ses deux amours (marie-jo and her two lovers) ay ipinakita ang bana ng pangunahing tauhan na si marie-jo na nakahubad na nakaupo sa balkonahe habang nakatingin sa gawing labas ng bahay. mabigat ang ipinapahiwatig na kahulugan ng imahen dala na rin ng laylay na postura at pagkakaupo. parang nagsasabi na ito ang katawan ng lalaking may asawa. basahin natin (bilang manonood) ang naratibo na nakasulat sa kurba, anggulo at mga guhit sa balat ng lalaki.

ganito rin ang mensahe ng katawan ng babaeng bida sa pelikulang ca brule (on fire) kung saan ang pagpapakita ng kanyang (natatabunan pa nga ng damit na) mga umbok sa pagbubukas ng pelikula pa lang ay suhestiyon na sa mambabasa na basahin ang kartograpikong paghagod ng kamera: mula hita hanggang dibdib. sa isang eksena ay hinubad pa nga niya ang bra at idinipa ang sarili sa hindi nakikitang ‘diyos’ kita ang dalawang utong. nakasulat kasi sa naratibo ng kanyang katawan ang konsepto ng pag-aalay. sa kuwento ay kailangan niyang mapunan ang kanyang pangangailangan sekswal na sa romantiko-erotiko niyang pag-iisip ay maibibigay ng fireman na tumulong sa kaniya. (bigo nga lang na mabigyan ito ng kasagutan dahil ang pamagat ay ibinaling sa literal na pakahulugan ng ‘fire’---sunog sa bundok sa bandang huli ng pelikula.)

ibang naratibo ng katawan naman ang makikita sa la pianiste (the piano teacher). ang gawaing paghuhubad dito ay isang sikolohikal na kondisyon: ang pagiging repressed ng babae. marahil dahil sa hindi nababanggit na karanasan noong kabataan na may kinalaman sa amang nakulong sa mental hospital at inang naging tagabantay niya kahit na sa kanyang edad na maaari nang mamuhay na mag-isa. kayat imbis na atraksiyon ay naging repulsiyon ang makukuha ng manonood. may pagkasadomasokista ang pagmarka sa katawan dahil hinuhubaran ang piano teacher para maipakita ang paglapat ng sakit (pag-blade ng puki, pagbugbog, ‘pag-rape’, pagsaksak at iba pa). sa hubad na katawan ng piano teacher nailantad ang representasyon ng isang intellectual at artist na hindi maihanay at maipaloob ang sarili sa lipunan ng gitnang-uri na kinakarakterays ng pretensiyon.

naratibo ng inosenteng kabataan naman ang nakamarka sa katawan ng babaing fine arts student na sumama sa nobyong magnanakaw sa pagtakas sa mga bansang spain, morocco at greece sa pelikulnang a tout de suite (right now). naging kontrobersyal ang pelikula dahil sa ilang ulit na pagpapakita ng suso at sabot (bulbol). gayunpaman ang pagpapakita ay hindi inaayon sa akto ng pag-itot (nalaman ko lang nitong mga nakaraang linggo sa epikong ‘hinilawod’ na ang sinaunang kinaray-a term sa ‘itot’ ay ‘adudo’). ipinapakita ng lantaran ang hubad na katawan bago at pagkatapos ng akto. inosente ang nakasulat na texto dahil ang karakter ay wala pang malay (consiousness) sa kaniyang tatahaking landas kasama ang nobyong minarkahang kriminal ng lipunan. nasa bakdrap pa ang burges na pamilya ng pangunahing tauhan. ipinakita sa pelikula kung paano gumagalaw ang katawan (kahit na ang hubad na katawan) sa pagitan ng diskurso ng uri: ng uring french na burges at mahirap na imigranting muslim. pantay at walang lamangan ang parehong hubad na katawan ngunit subersibo ng kanilang parehong pinanggalingan. sa mitolohikal na lebel, ang pag-uugnay ng katawan ng babaing estudyante ng fine arts at ang kriminal na muslim ay isang pagtatampisaw sa posibilidad ng pag-iisa ng ‘bida’ (french) at ‘kaaway’ (muslim-african) ng kasaysayan ng france. siyempre para lamang supilin sa huli ng kuwento.

ang paghuhubad sa mga pelikulang french ay may hangaring ipakita ang idea ng pagiging ‘natural’ at ‘unibersal’ ng paghuhubad. subalit ito ay ideang binuo ng mga taga-kanluran. may layunin itong humakop at sumakop. kayat sablay din dahil sa masusing basa ang paghuhubad ay lumalabas na isang kultural at ispesipikong gawain sa mga french---kahit wala pa man ang kamera, ang paghuhubad ay nariyan na. at kung ihahambing natin ang mata ng kamera sa mata ng (kanilang) direktor (na siyang may-akda at nag-aakda) ang mga ito ay hindi nakasara at nakadilat pa nga. kitang-kita ng kanilang kamera/mata ng direktor ang pagbangon ng (hubad) katawan, mula sa kama hanggang balkonahe o kusina, walang putol at sumusunod ang tingin (kung hindi man titig) kayat nakikita rin ng manonood ang nakikita ng direktor. samantala, walang ganitong kamera/mata ng direktor sa ating mga pelikula.

No comments:

Post a Comment