Friday, July 10, 2009

si kidlat tahimik sa karnabal ng parangal

hindi ko inakalang isang karnabal pala ang aking mapapanood noong hapong umatend ako ng up gawad plaridel 2009. ang awardee sa nasabing parangal ay ang kilalang filmmaker na si kidlat tahimik.

ang parangal ay ibinibigay ng up sa isang taong “may katangi-tanging praktis sa larangan ng midya” ayon sa “pinakamataas na antas ng propesyunal na integridad at sa kapakanan ng serbisyo publiko.” ipinangalan ito kay marcelo h. del pilar na may sagisag-panulat na “plaridel.”

si kidlat tahimik ay nakilala sa larangan ng paggawa ng independent film. sa katunayan, siya ang nauna. ibinansag na nga sa kanya ang tawag na “father of independent film.” nakuha niya ang bansag dahil sa kanyang “pagtuklas at pagbuo (niya) ng kadalasa’y alternatibo, inobatibo at mapangahas na paraan ng pagpapalabas at pagpapalaganap ng malayang pelikula o independent film sa loob at labas ng bansa.”

nakaprograma sa akin (bilang manonood) na makinig sa lektyur ni kidlat (ito ang sumagi sa aking isipan nang ibinigay ni roland tolentino ang imbitasyon) na naisip ko na magiging tungkol sa karanasan at kaalaman niya sa paggawa ng pelikula. ngunit iba ang ginawang presentasyon ni kidlat. ang ginawa niya ay isang (re)presentasyon. ‘pinaglaruan’ niya ang okasyon para ilagay sa diskursibong sitwasyon ang akademya (up) at maipasok niya ang pagtatanghal ng nalupig na kaalaman. ito ang tinatawag ni mikhail bakhtin na “carnivalesque.”

sa “carnivalesque,” ang isang seryosong sitwasyon ay ginagawang katawa-tawa (tulad ng sa karnabal) kung saan napapatawa ang manonood. pero kasabay ng tawanan at akto ng pagtawa ay ang paglikha ng aktor (si kidlat) ng puwang para isingit ang subersibong teksto (sa kaso ng programa, ang “indigenous” na kaalaman na tinawag niyang “indi-genius,” pagsama ng “indio” at “genius”). subersibo dahil alam niya (at alam din ng mga akademikong nanonood) na ang hegemonik na kaalaman sa unibersidad (gayundin sa bansa) ay ang kaalamang kanluranin. (sa kaso ng pelikula ang hegemonya ng hollywood.)

ginawa ito ni kidlat sa pamamagitang ng pagsuot ng bahag (katutubo) na pinaibabawan ng amerikana (banyaga) na may sablay at cap---representasyon ng binuong katauhan ng maka-kanluraning edukasyon, kahit pa man sa loob ay ang pagiging katutubo. isinuot niya ito ayon sa kanya para magmukha siyang ‘akademik’ at para ‘pakinggan’ ng mga nanonood. disturbado nga lang ang nangyayaring pakikinig dahil mas natuon ang atensyon ng manonood sa performatibong aspekto ng kanyang presensya. naging mas manifestado ang pagiging karnabal ng kanyang presence.

ipinarating ni kidlat na ang kaalamang dapat kuhanin ng mga manonood ay wala sa kanyang sasabihin ngunit nasa kanyang pagtatanghal. na ang pagtatanghal niya mismo ang kaalaman.
naging mas ‘maingay’ pa ang kanyang karnabal nang sa bandang huli ay nagpalabas siya ng isang performans art hawak-hawak at tinutogtog ang isang instrumentong gawa sa brass kung saan inaku niya ang isang karakter na nag-aral sa amerika bilang filmmaker, umuwi sa bansa at nangarap na gumawa ng pelikula habang kinakausap ang (di-makapagsalita/di-nagsasalitang) ina.

higit pang nadagdagan ang ‘ingay’ nang bigla na lang nagsitayuan ang mga igorot na kanyang dinala mula sa kanyang komunidad sa ifugao at nagsiakyatan sa entablado habang walang tigil ang pagtugtog at ang pagsayaw. hindi pa dito nagtapos ang karnabal ni kidlat. iniakda pa niya ang pagbibigay ng ‘diploma’ sa isang igorota at pagpapasuot sa kanya ng sablay at cap (na kanyang nilagyan ng telang igorot). palakpakan ang mga manonood. dito na nakumpleto ang ginawang (pansamantalang) pagtumba ni kidlat ng hegemonya ng kaalamang kanluranin.

sa karnabal ng parangal at parangal ng karnabal na ito muling nabuksan ang nalupig na kaalaman. bukas wala na ang karnabal. pero mananatili ang parangal. si kidlat, ang mga igorot ay babalik sa ifugao at maghihintay uli ng panibagong imbitasyon para muling itanghal ang nalupig na kaalaman.

No comments:

Post a Comment